Sa pahinang ito
Ang mga case study na ito (madetalyeng pag-aaral ng partikular na kaso) ay mula sa New Zealand’s Security Threat Environment | New Zealand Security Intelligence Service. Sa mga case study na ito, ang “dayuhang estado” (foreign state) ay nangangahulugang alinmang bansa maliban sa New Zealand. Ang salitang ito ay ginagamit upang tukuyin ang mga bansang nasa labas ng New Zealand.
Inilalarawan ng New Zealand Security Intelligence Service (NZSIS) ang pakikialam ng dayuhan bilang pagkilos ng isang dayuhang estado, kadalasan ay kumikilos gamit ang isang proxy, na naglalayong impluwensyahan, putulin o wasakin ang mga pambansang interes ng New Zealand sa pamamagitan ng mga paraang mapanlinlang, may katiwalian o mapamilit. Ang normal na diplomatikong aktibidad, pag-lobby at iba pang pagsisikap na tunay at lantaran para makaimpluwensya ay hindi itinuturing na pakikialam.
Case study 1
Noong 2023, isang dayuhang estado ang gumamit ng isang kontak sa New Zealand para pilitin ang isang lokal na konseho sa pamamagitan ng alok na popondohan ang isang kaganapang pangkomunidad kung sasang-ayon silang higpitan ang paglahok ng isang partikular na grupong relihiyoso. Gustong ipabatid ng dayuhang estado na ang grupo ay ipinagbabawal sa kanilang bansa at nagsasagawa ng mga aktibidad na 'labag sa kalooban' ng mga kumalat na populasyon mula sa pinagmulang bansa (diaspora) ng estado.
Case study 2
May alam ang NZSIS na ilang diplomat na kumakatawan sa isang dayuhang estado na nagpapanatili ng mga ugnayan sa ilang grupo ng mga estudyante sa New Zealand na kaugnay sa populasyong diaspora ng estadong iyon. Ginamit ng mga diplomat ang pag-access na ito upang maimpluwensyahan ang mga miyembro ng grupo sa pagsisikap nitong matiyak na ang mga nahalal sa mga posisyon ng pamumuno ay pulitikal na matapat sa dayuhang estado. Nagpasya silang gawing hindi malinaw ang kanilang ugnayan sa mga grupo ng estudyante upang maiwasang maakusa ng pakikialam sa lipunang akademiko. Ang kanilang pagkilos sa ganitong paraan ay isang halimbawa ng pakikialam ng dayuhan. Gusto nilang kontrolin kung ano ang palagay ng mga grupong ito sa estado at layon nilang tukuyin ang mga sumasalungat.
Case study 3
Isang maliit na bilang ng mga dayuhang estado ang nangongolekta ng impormasyon tungkol sa mga partikular na komunidad sa New Zealand. Kadalasan, ang mga estadong ito ay gagamit ng mga miyembro ng komunidad upang subaybayan at mangolekta ng mga personal na detalye ng mga tao sa New Zealand na itinuturing ng dayuhang estado na sumasalungat. Ang impormasyong ito ay magagamit para magsagawa ng aksyong panlaban gaya ng pagkansela ng mga visa o pag-target sa mga miyembro ng pamilya na nakatira pa rin sa dayuhang bansa. Noong 2023, ipinagkait ng isang dayuhang estado ang aplikasyon sa visa ng isang tao sa New Zealand na nagsisikap bumisita sa pamilya sa bansa dahil sa kanyang pakikisama sa isang grupong pangkomunidad na hindi gusto ng dayuhang estado.