Maaari kang magbigay ng iyong opinyon tungkol sa pagbabagong ito.
Ipinapaliwanag ng impormasyon sa ibaba kung ano ang ginagawa ng Pamahalaan at kung paano ka makakasali.
Ano ang nangyayari?
Pinapatatag ng Pamahalaan ang batas-kriminal upang tulungan ang Pulisya at iba pang mga ahensya sa pagtugon sa pakikialam ng dayuhan (foreign interference).
Ang mga pagbabagong ito ay ginagawa ng Crimes (Countering Foreign Interference) Amendment Bill (Mga Krimen (Panukalang-Batas na Pagsusog sa Paghadlang sa Pakikialam ng Dayuhan).
Ang Panukalang-Batas ay pinag-aaralan ng Justice Select Committe ng Parlyamento. Gagawa ng mga rekomendasyon ang Committee kung paano mapapabuti ang Panukalang-batas bago ito maging batas.
Ano ang pakikialam ng dayuhan?
Ang pakikialam ng dayuhan ay nangyayari kapag ang isang dayuhang pamahalaan ay nagsisikap makialam sa lipunan ng New Zealand sa isang paraang palihim, mapamilit, o hindi tapat. Ang aktibidad na ito ay nakakapinsala sa New Zealand at sa ating mga komunidad.
Ang pakikialam ng dayuhan ay maaaring makaapekto sa buong bansa. Halimbawa, maaaring maapektuhan nito ang pambansang seguridad, ekonomiya, ating mga eleksyon, o mga desisyon ng pamahalaan.
Ang pakikialam ay makakaapekto rin sa mga indibidwal at komunidad. Ang mga aktibidad ay maaaring gawing hindi ligtas o takutin ang mga tao na gawin o magsabi ng mga bagay-bagay dahil sa maaaring gawin ng dayuhang pamahalaan sa kanila o sa kanilang mga pamilya. Hindi ito tama dahil ang ating mga batas ay nagbibigay sa mga tao ng mga karapatan at kalayaan, at hindi dapat tangkain ng mga dayuhang pamahalaan na kontrolin ang mga aktibidad ng mga tao rito.
Paano binabago ang batas?
Hindi katanggap-tanggap ang pakikialam ng dayuhan ng alinmang bansa laban sa New Zealand.
Ang bagong mga pagkakasala ay gagawing labag sa batas ang pakikialam ng dayuhan at iba pang mga aktibidad na nakakapinsala. Ang mga ito ay magiging ilan sa pinakamalubhang pagkakasala sa New Zealand. Ang kasalukuyang mga pagkakasala ay babaguhin din upang maprotektahan nang mas mahusay ang mga sensitibong impormasyon ng pamahalaan.
Ang mga pagbabagong ito ay mangangahulugan na ang mga taong magsasagawa ng mga nakakapinsalang aktibidad para sa isang dayuhang pamahalaan ay maaating mapigilan at maparusahan sa ilalim ng ating batas-kriminal.
Paano ako makakapagsabi ng aking opinyon?
Ang Justice Select Committee ng Parlyamento ay humihiling sa mga miyembro ng publiko na magbahagi ng kanilang mga opinyon tungkol sa Panukalang-batas sa pamamagitan ng “pagtawag ng mga pagsusumite”. Mangyayari ito sa loob ng ilang takdang bilang ng mga araw kapag pinag-aaralan ng Committee ang Panukalang-batas.
Ang karagdagang impormasyon tungkol sa Panukalang-batas at kung paano ang paggawa ng pagsusumite ay matatagpuan sa online sa: https://bills.parliament.nz/v/6/5c7f002d-e4b4-4573-5563-08dd042d0cd2?Tab=history
Karaniwan ay ginagawang available ng Committee ang mga pagsusumite sa publiko at sa website ng Parlyamento. Bago gumawa ng pagsusumite, maaari mong hilingin sa Committe na gawing lihim ang iyong pagsusumite kung ayaw mong maging pampubliko ito. Kailangang sumang-ayon ang Committee bago mo ipadala ang iyong pagsusumite.
Ang website ng Ministri ng Katarungan ay mayroon ding impormasyon tungkol sa pakikialam ng dayuhan, Panukalang-batas, at paano ka makakapagsumbong ng pakikialam ng dayuhan sa mga ahensya ng Pamahalaan. Matatagpuan ito sa seksyong “Countering Foreign Interference” sa Key Initiatives webpage ng Ministri: https://www.justice.govt.nz/justice-sector-policy/key-initiatives/countering-foreign-interference